Sa tuwing sasapit ang bukang liwayway dito sa nayon namin ay
hitik sa lamig ang buong paligid sanhi ng halumigmig ng hangin at bukiring
nababalutan ng maputing hamog kasabay ang pagsulpot ng haring araw. Sa tuwina
ay maiisip kong isa ito sa mga hahanap-hanapin ko dito sa aming nayon.
Madalas akong matanong sa lugar na aking pinagmulan at sa
kapagdakang sagot ay tila ba nangangapa sila kung saang parte ng Pilipinas ang
aking sinasabi— dangan kasi’y hindi sikat kamukha ng ilang bayan na lagi nang naisapapatalastas
bilang panghikayat sa turismo ng bansa.
Kung minsan ay nalulungkot na lamang ako sa ganitong uri ng
kaalaman mayroon ang mga taga-ibang lugar sa aking mahal na bayan. Mayroon pa
nga na sinasabing “Ah, iyon bang Kabanatuan? Di’ba sobrang init roon at sadyang
kayrumi?”
Naisip ko tuloy na sisihin ang kapalaran at heograpiya kung
bakit sa lugar na ito inilagay ang bayang ito. Subalit malamang ay may plano
ang Panginoon para sa bayang ito na subok na ng panahon.
Marami pang basehan ang katanyagan ng isang bayan, ilan din
rito ay ang mga taong pabuloso at sikat and personalidad. Sa usaping ito ay
maaaring di gaanong karamihan ang aming bayan. “Naku, talaga naming wala
gaanong maipagmamalaki sa aming lugar…” iyan malamang ang sinasabi ng iba.
“Walang lugar pasyalan, walang personalidad na nakatira, at
di kilala.”
Sa kabila ng lahat ay babalik ako sa kapalarang bigay ng
Diyos sa bayang ito. Marapat lang na pasalamatan na isa ito sa pangunahing
tagapag-angkat ng palay, isa sa sentro ng mga kalakalan sa Gitnang Luzon, Makasaysayan at ang
katotohanang dito ako pinanganak, nabuhay, at nagkamalay. ANG KABANATUAN AY
PARA SA KABANTUENYO… Walang ibang magmamahal dito kung hindi ako at lahat ng
Kabanatuwenyo.
At sa bandang huli ay maaalala ko ang bukang liwayway
kasabay ang halumigmig ng klima sa umaga kasama ang mga mahal ko sa buhay sa
lugar kung saan ako isinilang at nagkamalay…Kabanatuan.
No comments:
Post a Comment