Saturday, June 2, 2012

A Lifetime Habit... (Mang Santos)

Kaliitang matanda, nakapasumbrero ngunit panot, iisa ang ngipin sa itaas, kaitiman at hukot na tila ba nakadikit na ang baba sa leeg.

Kamakailan ay nakita ko lamang siya sa isang lansangan na parte ng aming lungsod, dangan kasi'y may kumakalat na balita na yumao na raw ito dahil sa tindi ng init dito sa aming lugar. Papadyak-padyak sa singtanda na niyang tatlong gulong na bisekleta at nagbabahay bahay upang bumili ng mga bote at bakal dala pa ang bag na lalagyan ng pera na nakasabit sa kanyang tagiliran. Ganunpaman, minsan nga iniisip ko pa, "Di'bat bata pa lamang ako ay ganito na ang sistema ng kaniyang pamumuhay?"

Magtataka dahil sa araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos ay ganito na ang paulit-ulit na ginagawa niya. Naaalala ko pa nga na noong bata pa kami ay may kasama pa sa traybayk niyang itinitindang "ice drops" na tig apat na piso at kami naman ay nag-iipon ng mga bote at bakal na maaari nang ipagbili at kung mamalasin ay 75 sentimo lamang ang halaga na hindi pa sasapat pambili ng sorbetes na aking tinutukoy. Mukayain mo, sa sampung bote ng "bilog" na mahahanap ko ay tatlong piso lang ang halaga noong mga panahon na iyon na ibibigay niya sa amin. Manghihingi ako ng kulang sa aking lola at kapag hindi ako binigyan, tiyak na "epic fail". Ngunit sa kabutihang palad ng mamang nakasakay sa bisikleta ay di niya ipagdadamot ang sorbetes na sa amiy nagpapasaya.

"Maraming salamat Mang Santos."

"Owu, walang anuman yon."

Basta ang naiisip ko kapag nakikita ko siya, kung siguro ang lahat ng tao kagaya niya, baka malamang hindi ganito kahirap ang bansang Pilipinas. Sa kabila ng kawalang-hiyaan ng ilang mga pulitiko ay patuloy pa rin ang pagkayod ng isang Juan dela Cruz sa kahit ano pa mang hanap-buhay na marangal. Kahit na bilad sa katirikan ng araw at panay pa ang pagpadyak sa traybayk na puno ng mga bote at bakal...ang mahalaga ay nakakakain sa tatlong araw ang kanyang pamilya.

Kung isa ako ako sa pamunuan ng CNN, malamang ay napili na rin siyang CNN Hero of the Year kasi nama'y simula yata ng ipinanganak ako hanggang ngayon ay puro sa pagpadyak ng traybayk at pamimili ng bote bakal ang ikinabubuhay niya umulan man o umaraw... Napabuntong hininga na lamang ako nang makita ko siya minsan na nakakapoteng luma at inaayos ang kadena ng kanyang bisekleta sa lakas ng ulan. CNN hero para sa akin dahil ayon sa aking lolo na kaibigan ni Mang Santos, nakapagpatapos na siya sa kolehiyo ng kanyang mga anak.

Nakahahanga ang mga ganitong kuwento. Isang magulang na nakapagpatapos ng kanyang anak sa pamamagitan lamang ng pagbobote-bakal. MARANGAL. Samantala, may ilan na SOBRANG YAMAN na nga, WALA pang DANGAL.

Naalarma ako nang mabalitaan kong siya'y pumanaw na isang katanghalian (nang maitala ang pinakamainit na temperatura sa bansa dito sa Kabanatuan). Hindi pa pala. Nang makita ko kasi siya'y akala ko ay minumulto na lamang ako ng magiting kong kabaro.

"Uyy Mang Santos, akala nami'y may nangyari sa'yo..."

"Ahe, oo nga... ey hindi pa pala e nakalista pangalan ko kay San Pedro..."

"Mabuti naman po... Bakit hindi pa ho kayo tumigil sa pagbili ng bote bakal?"

"Naku eh, dito kami nabuhay, dito ako nabubuhay, at dito na rin yata ako mamamatay talaga..haha."

Iyang mga huling salita na yan ang sa aki'y nagpakilabot. Bagamat buwis buhay, handa siyang magtrabaho at maghanapbuhay para sa sarili niya sapagkat nasa ibang bansa na lahat ng kanyang napagtapos na anak at mag-isa na lamang siya dito bansa.

Mga ilang bagay na nagpatanto sa akin na di dapat alintana ang porma ng hanapbuhay ng isang tao basta marangal at kung minsan ang palagian na nating gawain sa tuwina ay nagiging bahagi na ng ating buhay lalo pa't ito ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan...

"I must say, once you have tried something that changed your life... This sometimes, become a lifetime habit..."

 ###

2 comments:

  1. Mang Santos, you serve as an inspiration to a lot of young people who know you. May you also serve as an eye-opener to others who are satisfied with whatever lives they live. May the Lord continue to bring you happiness with what you do and may He bless you more with grace and wisdom!
    Kevin, keep up the good work. I know someday you'll be a good and well-known public servant. Continue to serve! God bless you! :)

    ReplyDelete
  2. Thank you very much Benedick for your appreciation. I may not be an official public servant someday, but I can always be a servant leader in my most capacity-ready to lend a helping hand! God bless you and your family...Include our society to your prayers :)

    ReplyDelete