Saturday, March 17, 2012

ANG “MABUHAY” NG DAHIL SA’YO…


Bata pa lamang ako ay tigib na ang pagnanais ko na kilanlin ang mga taong nakapostura sa mga dingding ng paaralan at yaong mga taong tila ba nangungusap kung iyong tititigan sa mga papel nap era. Basta ang alam ko lang, bayani sila. Yaon bang tipong perpekto at tahasang nagpakamartir para lamang labanan ang mga mapang-aping kalaban. Ang alam ko lang noon ay sila ang bida, at ang mga banyaga naman ang kontrabida. Kapag ba nakikita ko ang mga larawan nila ay para rin bang sumasagi sa aking isip na kaya ko ring itaya ang aking buhay para sa bansang ito na maaaring karaniwan lamang sa isang musmos na isipan.

Sabin g titser ko, “Ang totoo at tunay na bayani ay handang mamatay para sa kanyang bayan.” Kaytagal kong tinalima at isinaisip ang mga pananaw na iyan subalit may ilan pa rin talagang bumabagabag sa aking isip kapag sinasabi kong handa akong mamatay para sa aking bayan. Maaaring ito’y karuwagang isakripisyo ang buhay subalit may mas malalim na pinaghuhugutan ang karuwagang ito.

Si Rizal, GOMBURZA at Bonifacio ay namatay at nagsakripisyo sa kanilang panahon upang makamit lang ang kalayaang ating dati’y minimithi. Namatay si Ninoy sa kanyang mga paninindigan laban sa rehimeng pinaniwalaan niyang banta muli sa kalayaan natin sa kanyang kapanahunan. Sino pa kaya ang handang mamatay para sa bayan sa kanyang kapanahunan?

Hindi lingid sa ating kaalaman na sadyang kay lala na ng sitemang ating ginagalawan. Sistemang hindi lamang pulitikal bagkus sa lahat na yata ng aspetong dati’y maayos naman. Ikaw kaya? Handa ka kayang mamatay para sa ating kapanahunan? Marahil ang iba sa inyo ay tatango sa aking katanungan, at karamihay baka ipagpasakibit-balikat na lamang ang mga ganitong usapin at kapagdaka’y umismid.

Tunay nga na napakamakabuluhan at may saysay ang naging pagkabayani ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang kapanahunan pero sa tuwing iisipin ko ang punla sa aking mga kamay at sa bawat kabataan ng ating panahon, nasasalamin ko ang ibang pagpapakahulugan sa salitang BAYANI. Unti-unti ko na yatang naiiba ang tema ng dati kong sinasabi na handa akong mamatay para sa bayan.

Nito lamang nang muli kong masaksihan ang isa pang katanungan na kagaya ng tinanong ko sa inyo na mula naman sa aking kamag-aral. “Handa ka ba na i-alay ang iyong buhay sa bayan?”. Hindi ko alam ang hanging nagbuka sa aking bibig ng mga katagang ito:

“HINDI, MABUBUHAY AKO PARA SA BAYAN…”

Tapos na ang panahong maraming namatay, panahon na para mabuhay para sa bayan at isabuhay ang ipinaglaban ng mga namatay. Iyan ang aking nagging pananaw ng makita ko ang totoong buhay mayroon ang Pilipinas sa panahong ito. Kung tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi tayo dapat mamatay bagkus, tayo’y dapat mabuhay upang baguhin at i-ahon sa kalugmukan ang bansang minsan nang dinanakan ng dugo para sa layuning makabayan.

Ang mabuhay ng marangal, kapaki-pakinabang, at may disiplinang mamamayan na magiging inspirasyon sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng simpleng pagtalima sa mga batas at alituntunin, pagmamahal sa kapaligiran, at pagdamay sa mga taong salat.

Isang krusada para sa mga kabataang maka-Diyos at makabayan.

No comments:

Post a Comment