Para akong tinamaan ng bala sa dibdib ng isang
kalibre bente singkong baril na sa isang kalabit lamang sa gatilyo’y bibigay na
kaagad ang maluwat kong dibdib. Eh pano naman kasi’y muli ko nananaman siyang
nasilayan. Simple, kimi, tahimik, walang imik, at para bang may itinatagao.
Kaytagal ko na dito sa paaralang ito subalit bakit ngayon ko lang siya
natagpuan? Ibig ko sabihin, ganito na ba ako kabulag upang hindi siya mapansin?
Marahil ay sadyang abala lang ako sa mga gawaing dapat pagtuonan ng pansin.
Sino ba naman kasi ang hindi makapapansin sa biloy niyang malalim, sa mata
niyang sing-astig ng perlas na kung tititig ay nakalulusaw. ‘Sus, di ako nag
bibiro pare’ ang sasabihin ko pa sa nga kaibigan ko. Ang mga buhok niyang kahabaan
na sumasaliw sa bawat galaw at ang bibihirang ngiti na talaga namang
hahanap-hanapin mo. “Pre, kung matalino kang lalaki, mapapansin mo siya!” pero
mas matalino sana ako kung “Magkakakusa akong harapin at kilalanin siya”.
O,nagtataka ka? Kasi’y
parang narinig niyo na ang kuwento ko. Tama. Ako si Turpeng Mariano sa
nakaraang edisyon ng Sandigan. Zaturo Mariano po at hindi ko malaman kung
matutuwa ba ako o hindi sa mga pinagsasabi ng katoto ko sa akin. Pero hindi
naman ako babawi sa kanya sa pagkakataong ito, sa halip, ay aking ipagpapatuloy
ang kwentong kanyang sinimulan tungkol sa akin at kay Rachelle.
Natagpuan ko si
Rachelle sa lugar na di ko matandaan dahil noong una ko siyang makita’y basta
humanga na lamang ako at sa mga susunod na pagkakataong mkikita ko siya’y
naging libangan na lamang na hindi palampasing makita ang kaaya-aya niyang
aura. Tumagal ang panahon na parati ko lamang siyang sinusulyapan ng panakaw
bago ko siya nakilala ng lubusan. Isa sa mga kaibigan ko ang nagtiyagang makuha
ang cellphone number niya para sa
akin.
Madalas kaming
magkausap ni Rachelle ngunit hanggang sa text lamang, sinasabi ko sa kanya na
interesado ako sa kanya dahil sa isang bagay na kami lamang dalawa ang
nagkakaintindihan (ayaw ko i-share, confidential). Though alam ko naman na wala
lang sa kanya ‘yun dahil kaibigan lamang ang alam niyang nais ko (which is
true).
Unti-unti na akong
nagkakaroon ng lakas na kaibiganin si Rachelle. Tama. Subalit hanggang doon na
lamang dahil bukod sa torpe ako at takot mareject ay ang katotohanang may mahal
na iba si Rachelle. At iyon ay ang kanyang kasintahan.
Nagkakausap na rin
kami ng personal (whoa! Achievement). Madalas ay natutuwa siya sa mga pakiwari
kong kakornihan dahil gusto kong parati siya nakikitang masaya. Kaibigan ko na
rin ang ilan sa mga kaibigan niya (sabagay, natural na sa akin ang maging
kaibigan ang lahat ng tao sa pamantasan maliban nga sa gusto kong babae).
Naku, ang ilan sa inyo
eh baka panay na ang side comment sa akin… Nakikini-kinita ko na ang mga masasabi
niyo:
“Badtrip, may
boyfriend na nga e balak pang ligawan ang babae”.
“Sus, mas madali
hulihin ang manok na nakatali kaysa sa nakawawala kaya hulihin mo na”.
“Nako, ihinto mo na
‘yan at ikaw lang din ang masasaktan”.
But then again, mga
kapatid, may sarili po akong prinsipyo at delikadeza sa buhay. (Taob kayo dun).
Alam ko naman ang ginagawa ko and at the very first place, I just like to know and
befriend her. E ‘di kung darating man ang bukas, at least
kilala na niya ako di’ba? Kaya kayong mga binata diyan na nagbabalak
manligaw…h’wag muna magmadali sapagkat sa kamamadali, tayo’y napapadali. (You
know what I mean). Kung minsan kasi ang buhay eh pahinugan lang at pana-panahon
lang sabi nga ng teacher ko nung Grade 5 ako nung nagsumbong ako dahil may mga
Grade 6 na tinatakot kami sa poso para
umigib ng tubig. Oops lumalayo sa topic, pero mabalik ako kay Rachelle…
Siya’y isang tunay na
prinsesa. Anu’t ano pa may di naman siya mawawala, marami pa naman ang maaaring
mangyari. Mas mainam na nga ang maghintay na lang kahit pa maging single siya.
Naisip ko rin kasi iba pa rin ang may mukha kang ihaharap sa mga magulang niya
pagdating ng araw na liligawan mo na siya sa kanilang bahay (O nagulat ka hano?
Kasi for sure sa text ka lang bumabanat). Mas maganda kasi kung personal at
bukal sa puso mo ang pagsuyo sa dalaga. Hindi po ako si Dr. Love. Ako po si
Turpeng Torpe.
Haha, natatawa ako sa
reaksiyon ng isang mambabasa na korny at jologs daw ako. ‘Sus kaysa naman sa
kanya na gusto e isang gabi lang ang pagpapasagot sa babae na halata namang
napilitan lang din. Sana hindi ka kagaya niya. Pero alam ninyo, sa hinagap ni
Rachelle ay alam kong may pag-asa ako sa kanya lalo siguro kung maghihintay
ako.
Kami’y matalik na
magkaibigan na ni Rachelle at kapwa kami masaya sa samahan namin lalo na kapag
napangingiti ko siya sa mga simpleng banat ko. Kapag naman magkikita sila ng
boyfriend niya’y tuloy pa rin ako na maging kaibigan niya. Di ko na iniisip na
maging malungkot. Wala tayong magagawa e, siya ang nauna. Bagamat mahirap, aba’y
dapat na pairalin ang pagiging isport at pagiging lalaki mo.
Wag kayong mag-alala
marunong ako kumontrol ng emosyon at ganunpaman, hindi pa ganuon kahinog ang
pagtingin ko sa kanya dahil na rin may iba siyang mahal. Bukas pa rin ang puso
ko na magmahal ng iba. Pasasaan ba’t kusa itong darating, kung magiging
matiyaga lamang tayo sa paghihintay. Kaya ikaw, h’wag ka kaagad sumusuko o
magmumukmok, isipin mo na lang na may mas malala pa sa sitwasyon mo. Ayos ba? Basta
wag mo masyadong puwersahin ang emosyon mong may kapusukan pa. Tama ba?
O siya mukhang di ka naman nag-enjoy sa status namin
ni Rachelle pero wag ka, aminin mong natuto ka sa mga katorpehan ngunit
makabuluhang banat ko. Abangan niyo na lang ang mga susunod na kabatana sa
buhay ko at ni Rachelle…Sigurado akong magugulat kayo sa kahahantungan ng
kwentong nito. Salamat sa oras!